

Sa kanyang ika-19 taon sa showbiz, taos-pusong nagpasalamat ang OPM icon na si Yeng Constantino sa mga tagumpay, hamon, at alaala ng kanyang makulay na karera sa musika.
Sa isang eksklusibong panayam, inilahad ni Yeng ang kanyang pagiging masaya at kontento bilang isang independent artist, habang inilulunsad ang kanyang bagong single na “Lumulutang, Nahuhulog.”
“Pribilehiyo ang makapagtagal sa industriya ng 19 na taon. Ngayon, gusto ko lang talaga mag-enjoy kasama ang fans,” ani Yeng.
Inalala rin ni Yeng ang kanyang mga unang hakbang sa musika, kung saan malaki ang papel ng kanyang mga magulang.
“Kapag inalis nyo sa akin ang musika, parang tulalang bata ako. Wala akong ibang alam kundi magsulat at mag-perform. Doon ako sinanay.”
Ang “Lumulutang, Nahuhulog” ay tumatalakay sa magkahalong damdamin ng pagkahumaling at takot sa pagkahulog sa isang damdaming maaaring masaktan. Ayon kay Yeng, ito ay sumasalamin sa “internal contradiction” ng pagmamahal at pangamba.
Makikita rin ito sa cover art, kung saan lumulutang si Yeng sa kalawakan — simbolo ng kawalang-direksyon at emosyonal na kalituhan.
Matapos ang halos dalawang dekada sa industriya, pinasok ni Yeng ang pagiging independent artist—isang hakbang na mas nagpapalalim ng kanyang kagustuhang manatiling totoo sa sarili at sa kanyang musika.
“Ito ang panahon na pinili kong tumindig bilang independent artist. Isa itong makabuluhang milestone para sa akin.”
Ibinahagi rin ni Yeng ang kanyang lalim ng relasyon sa ilang kapwa artists tulad nina Jason Dy, KZ Tandingan, Erik Santos, at Angeline Quinto. Kamakailan lang, pinasok din ni Yeng ang concert production, kasama si KZ sa pag-produce ng concert ni Jason Dy.
“Hindi ako basta-basta nagko-collab. Kailangan may relasyon—hindi lang personal kundi pati sa musika. Tulad ng isang bandang gustong makipag-collab, pumayag ako kasi sinamahan ako ng kanta nila sa panahon ng pandemya.”
Aminado si Yeng na introvert siya, at bihira lumabas kung wala namang shows. Ngunit sa mga pagkakataong may tour o event, doon siya nakakabuo ng mas matibay na koneksyon sa kapwa artists.
“Hindi ako palabas. Pero kapag may show sa abroad o dito, doon ako nakakabuo ng koneksyon. Ang mahalaga sa akin ay ‘yung may tunay na relasyon, hindi lang basta relevant sa industriya.”
“Salamat sa batang Yeng na pinilit ang sarili magtagumpay. Ngayon, ako na lang ang umaani. Sabi ko noon, kapag nakamit ko na ang tagumpay, i-e-enjoy ko ito.”
Si Yeng, 36, ay unang nakilala bilang Grand Star Dreamer ng Pinoy Dream Academy noong 2006, at unang sumikat sa kantang “Hawak Kamay,” na agad naging OPM classic.
Mula sa isang simpleng pangarap, lumutang at nahulog si Yeng sa kanyang tanging mundo — ang musika. At ngayon, mas buo, mas matatag, at mas totoo na siyang naglilingkod sa kanyang sining.