
Sa kanyang kauna-unahang opisyal na hakbang bilang pinuno ng Bureau of Customs (BOC), Commissioner Ariel F. Nepomuceno ay naglabas ng isang memorandum noong Hulyo 2, 2025 na nagsususpinde sa pagpapatupad ng lahat ng naaprubahang ngunit hindi pa naipatutupad na Letters of Authority (LOAs) at Mission Orders (MOs).
Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng LOAs at MOs na inilabas bago ang Hulyo 2, 2025, at hindi pa naipatutupad, kabilang ang mga unit sa ilalim ng Intelligence at Enforcement Groups ng ahensya.
Inatasan din ni Nepomuceno ang mga Deputy Commissioners na magsumite ng kumpletong status report ukol sa lahat ng LOAs at MOs na inilabas mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2025, sa loob ng 24 oras mula sa pagtanggap ng kautusan.
“Ipinatutupad natin ang hakbang na ito upang malinaw na matukoy kung anu-ano ang mga hakbanging hindi pa naisakatuparan, at matiyak na ang lahat ng enforcement operations ay legal, may sapat na dokumentasyon, at naaayon sa bagong direksyon ng Bureau,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Ang pansamantalang suspensyon ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo upang ibalik ang disiplina sa mga field operations, maiwasan ang mga di-awtorisado o lipas nang operasyon, at patibayin ang transparency at legalidad sa mga hakbang ng ahensya.
Ang hakbang ay tugma rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang propesyonalismo sa serbisyo publiko at labanan ang smuggling at revenue leakage.
Patuloy ang Bureau of Customs sa pagsasakatuparan ng pangunahing mandato nito sa pamamagitan ng mas epektibong pagpapatupad ng batas at malalim na repormang institusyonal upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang operasyon.
