
Sa patuloy na pagtutok sa maayos at maagap na paggamit ng pondo ng bayan, isinagawa ng Department of Finance (DOF) ang panibagong round ng site inspections sa mga kasalukuyang proyekto sa daan sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon sa DOF, ang hakbang ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking bawat pisong ginagastos sa imprastruktura ay mataas ang epekto at direktang kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Tinitiyak namin sa DOF na bawat pisong buwis ng taumbayan ay makikita at mararamdaman nila. Napupunta ito sa mga proyektong nagpapagaan ng kanilang araw-araw na buhay—tulad ng mga bagong kalsada at tulay,” ani Finance Secretary Ralph G. Recto.
Pinangunahan nina DOF International Finance Group (IFG) Undersecretary Joven Balbosa at Assistant Secretary Donalyn Minimo, kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Asian Development Bank (ADB), ang pagbisita sa mga proyekto sa ilalim ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP).
May kabuuang halaga na USD 491.32 milyon o katumbas ng ₱27.26 bilyon, layon ng IGCMRSP na palawakin ang road network ng BIMP-EAGA (Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area). Kabilang sa layunin ng proyekto ang pagpapalakas ng ekonomiya, kaayusan, at inclusive mobility sa rehiyon.
Ang proyekto ay pinopondohan ng USD 380 milyon (₱21.08 bilyon) mula sa ADB official development assistance (ODA) at USD 111.32 milyon (₱6.12 bilyon) na lokal na pondo ng pamahalaan.
Isa sa mga binisita ay ang R.T. Lim–Siocon Road na tumatawid sa mga lalawigan ng Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Norte. Ang 24.6-kilometrong kalsada ay binubuo ng 24.3 km na concrete pavement at anim na bagong tulay na may kabuuang habang 430.11 metro.
Kapag natapos, inaasahang magiging estratehikong ugat ng kalakalan ang kalsadang ito, magpapabilis ng biyahe, magpapababa ng gastos sa transportasyon, at magpapasigla sa ekonomiya ng Region IX. Ayon sa DOF, 95% nang tapos ang proyekto at inaasahang bubuksan sa publiko sa Setyembre 2025.
Binisita rin ang Nalil-Sikkiat Bridge No. 1 sa lalawigan ng Tawi-Tawi, na may habang 541 metro, kabilang ang 160 metrong approach road. Layon ng tulay na ito na pagdugtungin ang Bongao Island at Sanga-Sanga Island, upang mapabilis ang daloy ng serbisyo, produkto, at tao sa mga liblib na lugar ng probinsya.
Dahil karamihan ng aktibidad ay nakatuon sa Bongao, layunin ng pamahalaan na i-decongest ang kabisera at isulong ang pag-unlad sa iba pang bahagi ng lalawigan. Nasa 96% na ang completion rate ng tulay at inaasahang magbubukas sa publiko sa susunod na buwan.
Giit ng DOF, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang masigurong ang mga proyektong imprastruktura ay natatapos sa tamang oras, may matibay na epekto, at tunay na pakinabang sa mga mamamayan ng Mindanao.
