
KULUNGAN ang kinasadlakan ng 24-anyos na call center agent na wanted sa apat na bilang na kasong statutory rape nang maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Malabon City.
Batay sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusadong si alyas “Iris”, matapos makakuha sila ng kopya ng arrest warrant laban sa akusado.
Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, ang akusado ay nakatala bilang No. 4 Top Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at No. 5 Top MWP naman sa Malabon police.
Dakong alas-3 ng hapon nang tuluyang maaresto ng tumutugis na mga operatiba ng WSS ang akusado sa kanyang tinutuluyang bahay sa Brgy. Concepcion, ng lungsod.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest sa inisyu ng Malabon City Family Court, Branch 4, noong June 18, 2025 para sa apat na bilang na kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
