
NASABAT sa dalawang Street-Level Individuals (SLI) drug suspects ang mahigit P100K halaga ng shabu makaraang matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek na sina alyas “Bebot”, 42, ng Caloocan City at alyas “Dennis”, 35, ng Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora, ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek.
Dakong alas-5:30 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang mga suspek sa isa sa mga operatiba ng DDEU na nagpanggap na buyer sa Barangay Potrero, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Ayon kay PSSg Ronilo Tilano na nanguna sa operation, nasamsam nila sa mga suspek ang nasa 15 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price value na P102,000 at buy bust money.
Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad ang mabilis at magkakaugnay na pagsisikap ng Malabon CPS at mga operatiba ng DDEU.
“This is a clear demonstration of our unit’s firm commitment to upholding the law and ensuring the safety and well-being of our communities,” aniya.
