
MAYNILA — Pormal na inihayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagdedeklara ng state of health emergency sa buong lungsod ng Maynila nitong Lunes, Hunyo 30, 2025, kasunod ng pagtigil ng operasyon ng dalawang bagong kontratista sa koleksyon ng basura.
Sa isang press conference, sinabi ni Mayor Moreno na hihilingin niya sa Sangguniang Panlungsod ng Maynila sa unang araw ng sesyon nito na aprubahan ang opisyal na deklarasyon ng kalagayang pangkalusugang pang-emerhensiya bilang tugon sa lumalalang problema sa basura sa lungsod.
“I opted to declare and request the city council tomorrow, first session day, to declare a state of health emergency in the entire city of Manila,” pahayag ni Mayor Moreno.
Ayon sa alkalde, sa mga nagdaang linggo ay sunod-sunod ang natanggap ng pamahalaang lungsod na mga reklamo mula sa mga residente hinggil sa hindi regular na koleksyon ng basura sa iba’t ibang barangay.
Kinumpirma rin ng punong lungsod na ang mga kontratistang PhilEco at MetroWaste, na kapwa bagong nakakontrata, ay tumigil na sa kanilang operasyon dahil sa mga hindi pa bayad na obligasyon mula pa noong Enero 2025. Bukod pa rito, hindi pa rin umano nababayaran ang dating kontratistang Leonel.
Batay sa ulat, umaabot sa ₱950 milyon ang kabuuang halaga ng mga hindi pa nababayarang kontrata para sa garbage collection services mula sa nakalipas na administrasyon.
Bilang pansamantalang tugon, inatasan ni Mayor Moreno ang pamahalaang lungsod na siya nang mangasiwa sa koleksyon ng basura, kabilang na ang mobilisasyon ng mga tauhan at kagamitan ng City Environmental Management Office (CEMO) upang matugunan ang problema habang hinihintay ang pinal na aksyon ng konseho.
“This is not merely an issue of cleanliness or aesthetics. It is a public health concern that requires immediate and coordinated action,” dagdag ng alkalde.
Samantala, tiniyak ni Moreno na isusulong ng kanyang administrasyon ang mas sistematikong solusyon sa waste management, kabilang ang pagsusuri sa kasalukuyang procurement system, upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong uri ng krisis sa hinaharap.
