
\
Sa kanyang unang araw bilang bagong halal na gobernadora ng Lalawigan ng Laguna, agad na nilagdaan ni Gov. Sol Aragones ang isang executive order na nagbabawal sa pagiging mataray, bastos, o hindi magalang ng mga kawani ng pampublikong ospital at mga pasilidad pangkalusugan sa buong lalawigan.
Ang kautusan, na may pamagat na “Bawal ang Mataray sa mga Ospital sa Laguna,” ay bahagi ng kampanya ni Gov. Aragones upang itaas ang antas ng serbisyo medikal at tiyaking maayos ang pakikitungo sa bawat pasyente, anuman ang kanilang estado sa buhay.
“Dapat nakangiti ang mga kawani ng gobyerno, kasama na kami d’yan,” pahayag ng gobernadora.
“Ayaw natin na mahirap na nga ang tao, ipaparamdam pa sa kanila na sila ay mahirap. Kaya ngayon, ang Laguna ay dapat laging nakangiti, laging mabait sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Sakop ng executive order ang lahat ng doktor, nars, health workers, administrative staff, at iba pang kawani sa mga provincial hospitals, district hospitals, health centers, rural health units, at mga opisina kaugnay ng kalusugan sa lalawigan.
Buong suporta naman ang ibinigay ni Vice Governor JM Carait at ng buong Sangguniang Panlalawigan sa kautusan.
“Napakaganda ng unang executive order ng ating gobernadora. Ayaw na ayaw ko rin po na may naaapi at may injustice,” ani Carait.
Samantala, nagpakita rin ng suporta si Health Secretary Ted Herbosa, na dumalo sa unang araw ni Aragones bilang gobernador. Ayon kay Herbosa, ipatutupad din niya ang kaparehong polisiya sa lahat ng DOH hospitals sa bansa.
“Gagawin ko na rin lahat ito sa DOH hospital — bawal ang mataray sa mga DOH hospital,” pahayag ng kalihim.
Dagdag pa ni Herbosa, plano niyang hikayatin ang iba pang gobernador sa bansa, lalo na ang apat na kamakailan lamang ay lumapit sa kanya para sa health-related concerns, na ipatupad din ang parehong hakbang sa kanilang mga lalawigan.
Layon ng kautusan na palakasin ang public trust sa mga pampublikong ospital at tiyakin na makakakuha ang bawat mamamayan ng may-galang, makatao, at makatawid-damdaming serbisyo sa ilalim ng bagong administrasyon sa Laguna.
