
ILOCOS NORTE — Bilang bahagi ng adbokasiya para sa ligtas at likas-kayang komunidad, isinagawa ng Department of Science and Technology Region 1 (DOST R1) sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ang serye ng water sampling sa iba’t ibang barangay sa Ilocos Norte.
Isinagawa ang sampling sa Paoay Lake, partikular sa mga Barangay Nanguyudan at Suba, gayundin sa mga barangay ng Gareta, Alagoog, Caraitan, Madupayas, at Camanga sa bayan ng Badoc. Mahigpit ang naging koordinasyon ng DOST sa Sanitary Engineer at mga kawani ng City Health Office ng LGU Badoc, kasama si Engr. Glenna Mae Cabilan, CEST Focal Person, at si Ms. Jasmine Ericka Maguas, RMT, MPH, mula sa Regional Standards and Testing Laboratory (RSTL) ng DOST R1.
Kabuuang dalawang environmental water samples mula sa Paoay Lake ang isinailalim sa apat na uri ng pagsusuri. Samantala, walong samples ang dumaan sa 90 chemical parameters, at labintatlong samples naman ang sinuri para sa 52 microbial parameters. Umabot sa halagang ₱89,400 ang kabuuang technical assistance na naibigay para sa proyektong ito.
Layunin ng inisyatibang ito na masigurong ligtas ang pinagkukunan ng tubig sa mga komunidad. Ang mga datos mula sa pagsusuri ay magsisilbing basehan sa pagtukoy sa kalidad ng tubig, at maaaring magbukas ng oportunidad para sa pag-deploy ng mga angkop na teknolohiyang pang-tubig mula sa DOST.
Sa pamamagitan ng mga interbensyong nakaangkla sa agham, patuloy ang DOST Region 1 sa pagtataguyod ng kalusugan ng publiko at pag-unlad ng mga komunidad sa kanayunan.
“Bawat patak ng tubig ay mahalaga — at bawat komunidad ay nararapat lamang magkaroon ng malinis at ligtas na tubig na mapagkakatiwalaan,” pahayag ng DOST Region 1.
