
MANILA, Philippines — Nagluklok ng bagong hanay ng mga opisyal ang Publisher’s Association of the Philippines Inc. (PAPI), isa sa pinakamatanda at pinakamalaking media organization sa bansa, noong Hunyo 24, 2025 sa National Press Club, Intramuros, Maynila.
Itinalaga si Rebecca M. Velasquez ng Pulso ng Makabagong Caviteño bilang bagong pangulo, habang si Ian Junio ng Hyperland News Publishing ang bagong Executive Vice President. Muling nahalal naman bilang VP for Luzon si Alma Omilig Ochotorena ng News Syndicate Digest, habang si Danilo N. Silvestrece ng Balita Tirador Publication ay VP for Visayas, at si Anila Anne B. Acosta ng Mindanao Exposé ay VP for Mindanao.
Kinukumpleto ang bagong pamunuan ng PAPI nina Reyland Lopez (Unang Milenyo News Publishing Center) bilang Secretary; muling nahalal na Treasurer si Leonida Pascua Cardona (People’s Monitor Publication); May Ann Reyla (City View Publishing) bilang Auditor; at mga Board of Directors: Eduardo Cardona, Dina Diaz, Giecel Albar, Elpedio Bermas Soriano Jr., at Joseph Denmarc Miranda Avila.
Kasabay ng eleksyon ang mid-year general assembly na may temang “Fighting Fake News as a United Mission.” Nagbigay ng mensahe ng suporta sina NPC President Leoniel Abasola, Dr. Lily Lim, at si PTFoMS Undersecretary Joe Torres Jr., na tiniyak ang patuloy na kooperasyon sa PAPI. Kaniyang inilahad na patuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang kay PAPI Chairman Emeritus Juan “Johnny” Dayang Sr., na binaril sa kanyang bahay sa Aklan nitong Abril 29.
Dumalo rin sa pagtitipon si Jay Ruiz, batikang mamamahayag at re-appointed Secretary ng Presidential Communications Office (PCO). Pinuri niya ang pamumuno ni outgoing President Nelson Santos at muling hinikayat ang media na tumindig laban sa fake news.
“Magkaisa tayo. Labanan natin ang fake news. Dapat may pananagutan ang mga platform na ginagamit sa maling impormasyon,” saad ni Ruiz.
Dagdag pa niya, patuloy ang suporta ng PCO sa PAPI sa pagbabahagi ng mga programa at polisiya ng gobyerno sa buong bansa.
Isa rin sa tampok ng pagtitipon ay ang paggunita sa ika-90 kaarawan ni Johnny Dayang. Sa isang video message, nagpasalamat ang anak nitong si Consul General Juan “Jed” Dayang Jr. at hinikayat ang lahat na huwag hayaang mabaon sa limot ang alaala at prinsipyo ng yumaong lider.
“Huwag nating gawing simpleng headline ang pagkamatay niya. Gawin nating panawagan ito para ipaglaban ang katotohanan at kalayaan sa pamamahayag,” ani Jed.
Ang bagong hanay ng mga opisyal ay manunumpa sa tungkulin sa petsang iaanunsyo pa ng board at magsisilbi hanggang taong 2028.
