
Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Lungsod ng Mandaluyong nitong Lunes, Hunyo 30, 2025, sa Mandaluyong College of Science and Technology (MCST) sa Barangay Addition Hills. Ang seremonya, na pinamunuan ni outgoing Mayor Ben Abalos bilang inducting officer, ay ginanap nang 8:00 ng umaga at sinaksihan ito ng kanilang mga pamilya, mga empleyado at opisyal ng pamahalaang lungsod, at ilang mga taga suporta.
Opisyal nang nanumpa si dating Vice Mayor Menchie Abalos bilang bagong mayor ng Mandaluyong. Sa kaniyang talumpati ay muli niyang pinasalamatan ang publiko sa pagbigay sa kaniya ng tiwala at muling mamuno bilang ina ng lungsod.
Nanumpa naman bilang Vice Mayor ng lungsod si dating Konsehal Anthony Suva. Ipinahayag niya ang kaniyang dedikasyon na makipagtulungan sa Sangguniang Panlungsod upang matiyak na ang mga lokal na batas at programa ng pamahalaang lungsod ay naaayon at tumutugon sa pangangailangan ng bawat Mandaleño.
At nanumpa bilang kinatawan ng lone district ng Mandaluyong sa House of Representatives sa harap ni Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda si Congresswoman Queenie Gonzales.
Kasabay ding nanumpa sa tungkulin ang mga nahalal na konsehal ng lungsod. Ang mga konsehal mula sa District ay sina Charisse Abalos-Vargas, Elton Yap, Danny De Guzman, Mariz Manalo, Grace Antonio, at Junis Alim. Mula naman sa District 2 sina Benjie Abalos, Alex Sta. Maria, Botong Cuejilo, Dong Ocampo, Regie Antiojo, at Leslie Cruz.
Ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ay nakikiisa at sumusuporta sa liderato ni Mayor Abalos na mas papaigtingin ang pagpapatupad ng mga lokal na batas at proyektong magdudulot ng maganda at maunlad na pamumuhay ng mga residente sa Mandaluyong.
