
MAYNILA – Sa layuning palakasin ang grassroots sports development ng lungsod, itinalaga ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang dating miyembro ng national team na si Dale Evangelista bilang bagong chairman ng Manila Sports Council (MASCO).
Si Evangelista, 46, ay dating water polo player ng national team at kasalukuyang chairman ng Barangay 56 sa Tondo bago ang kanyang appointment. Ayon sa kanya, labis ang kanyang pasasalamat sa tiwala at oportunidad na ibinigay ni Mayor Isko.
“Malaking karangalan ang maging bahagi ng pagsulong ng sports sa lungsod. Napakalinaw ng direktiba ni Mayor Isko – gusto niyang magkaroon ng standardized grassroots sports programs upang makapaghubog ng mga atleta mula Maynila na maaaring mapasama sa national team,” ani Evangelista.
Inanunsyo rin ni Evangelista na magsasagawa ng tryouts para sa pagbubuo ng isang mas malakas na Team Manila na lalaban sa darating na Batang Pinoy 2025 sa General Santos City.
“Layunin nating maging overall champion ang Team Manila. Iyan ang direksyon natin,” pahayag niya.
Kasama sa mga planong sports programs sa ilalim ng pamumuno ni Evangelista ang posibleng pagbabalik ng Manila Youth Games, ang muling pagsasagawa ng Manila Marathon, at ang pagsali sa makabagong kompetisyon tulad ng esports tournaments.
Bilang dating atleta at coach ng national team, dala ni Evangelista ang karanasan at koneksyon na aniya’y magagamit para mapabuti pa ang operasyon ng MASCO. “Marami tayong kakilala sa sports community na handang tumulong sa ating mga programa,” dagdag niya.
Si Evangelista ay nagkamit ng tatlong silver medals sa Southeast Asian Games noong 2005 (Manila), 2007 (Bangkok), at 2009 (Laos), at isang bronze medal noong 2003 (Vietnam). Noong 2019, nagsilbi rin siyang chief deputy sa ilalim ni Rey Galang sa national team nang makamit nito ang silver sa huling SEA Games na ginanap sa Pilipinas.
Ang bagong liderato sa MASCO ay nakikitang simula ng isang mas aktibong pagtutok sa paglinang ng lokal na talento at pagtaas ng antas ng sports programs sa lungsod ng Maynila. (RON TOLENTINO)
