
CEBU CITY – Hinatulan ng Municipal Trial Court in Cities (Branch 2) sa Mandaue City ang isang may-ari ng security agency matapos mapatunayang nagkasala ng estafa dahil sa kabiguang ihulog ang kontribusyon sa Social Security System (SSS) na kinaltas mula sa sahod ng dating empleyado.
Kinilala ang nasabing akusado bilang si Arne Aballe Sarsalejo, may-ari ng Sarsalejo Security Agency Inc., na sinentensyahan ng tatlong buwan at labing-isang araw na pagkakakulong dahil sa paglabag sa Article 315, Paragraph 1(b) ng Revised Penal Code (RPC).
Batay sa rekord ng korte, ang kabuuang kaltas mula sa sahod ng nagsampa ng kaso na si Junebeb T. Clatero, dating security guard ng naturang ahensya, ay umabot sa ₱13,242.25 mula Pebrero 2018 hanggang Marso 2022. Ngunit ginamit ng korte ang mas mababang halagang ₱2,250 na nakasaad sa complaint upang igalang ang karapatan ng akusado na malinaw na mapabatid ang eksaktong paratang.
Ayon sa batas, kung ang pinsala ay hindi lalampas sa ₱40,000, ang naaangkop na parusa ay arresto mayor sa medium hanggang maximum na antas o dalawang buwan at isang araw hanggang anim na buwan na pagkakakulong.
Bagamat kalaunan ay naihulog din ng ahensya ang kontribusyon, kinatigan ng korte ang argumento ni Clatero na ang pagkaantala sa remittance ay nagdulot ng pansamantalang pinsala, na isa sa mga sangkap ng krimeng estafa.
Base sa Section 28(h) ng Social Security Act of 2018 (RA 11199), ang employer na nabigong maghulog ng kontribusyon sa loob ng 30 araw mula sa takdang petsa ay presumed na nagsamantala o naglustay ng pondo, at maaaring panagutin sa ilalim ng Article 315 ng RPC.
Nagbabala naman ang mga awtoridad sa iba pang employer na tiyakin ang tamang pagbabayad ng benepisyo ng kanilang mga empleyado upang maiwasan ang kaparehong pananagutan sa batas.
