October 1, 2024

CAMEROON NATIONAL, NATAGPUANG PATAY SA TINUTULUYANG CONDO UNIT SA CAINTA, RIZAL

NATAGPUANG patay ang isang Cameroon national sa loob ng tinutuluyan nitong condominium unit sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal, dakong alas-4:20 ng hapon nitong Linggo.

Kinilala ng Cainta Municipal Police Station ang biktima na si Sylvain Kenta Ngansup, nasa 40 hanggang 50 ang edad, Cameroon national, at nakatira sa Unit 3L, Cluster 1, Camp Bridge village sa naturang lugar.

Ayon sa katrabaho ng biktima na si Esau Mukete, na isa ring Cameroon national at nagtatrabaho sa Telus, ilang araw ng hindi pumapasok ang biktima.

Dahil dito, humingi ng tulong si Mukete sa barangay para puntahan ang condo unit ni Ngansup.

Pagdating sa lugar, agad nilang napansin ang masangsang na amoy kaya pinuwersang buksan ang unit nito ng mga opisyal ng barangay kasama ang security personnel at si Mr. Mukete.

Dito na tumambad ang bangkay na biktima habang nakadapa sa sahig.

Sa isinagawang ocular inspection ng pulisya sa naturang lugar, lumalabas na walang nakitang sugat sa katawan ng biktima at kumpleto rin ang personal na gamit nito.