Timbog sa mga elemento ng San Juan City Police Station ang isang 42-anyos na Amerikano na si alyas “Andrew” matapos ireklamo ng acts of lasciviousness ng isang 18-anyos na babae sa Barangay Sta. Lucia.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, inimbitahan ng Amerikano ang biktima sa pamamagitan ng aplikasyong WhatsApp bago pilit na ginawan ng marahas na panghihipo at sexual advances sa loob ng sasakyan at sa kaniyang pinagdalhang bahay.
Dahil sa takot, lihim na ipinadala ng biktima ang kaniyang kinaroroonan sa kaniyang nobyo, na agad namang tumawag sa 911 emergency hotline para sa mabilisang pag-responde ng mga awtoridad.
Agad na nailigtas ng mga tauhan ng Sub-Station 2 at Women and Children Protection Desk (WCPD) ang biktima habang naaresto naman ang suspek.
Pinuri naman ni EPD Acting District Director PBGEN Melecio M. Buslig Jr. ang mabilis na koordinasyon ng publiko at pulisya sa pamamagitan ng 911 hotline habang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang Amerikano.
