September 19, 2024

BUNGANGERANG MISIS ‘PINATAHIMIK’ SA SAKSAK NI MISTER

MASAKLAP ang kamatayan na sinapit ng isang 72-anyos na misis makaraang pagsasaksakin ng kanyang sariling mister na nairita umano sa pagiging bungangera sa Barangay Calumpang, Oslob, Cebu.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang naturang biktima sanhi ng tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Natagpuan na lamang ng mga anak ang kanilang ina na nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.

Mabilis namang tumakas ang 73-anyos na suspek matapos ang insidente subalit naaresto rin kinabukasan sa Mandaue City.

Ayon sa suspek naaburido siya dahil sa palagiang pagbubunganga sa kanya ng misis kung kaya ito ang nagtulak upang paslangin ang biktima.

“Napuno na ko dahil putak siya nang putak,” sambit ng suspek.

Dagdag pa niya, palagi pa siyang binubungangaan sa gabi kaya hindi siya gaanong makatulog.

Ayon sa nakatatandang anak ng mag-asawa, napatawad na nila ang kanilang ama pero pursigido pa rin silang ituloy ang kasong parricide laban dito.