September 19, 2024

Top 1 most wanted person ng Valenzuela, arestado sa Bulacan

BAGSAK sa selda ang isang lalaki na nasa top 1 most wanted ng Lungsod ng Valenzuela matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa kanyang pinagtataguang lugar sa Marilao, Bulacan.

Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon kung saan nagtatago ang akusadong si Tobie Cruz, 28, ng Barangay Marulas kaya inatasan niya ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team na tutugis sa kriminal.

Kaagad namang ikinasa ng mga tauhan ng WSS ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-8:00 ng umaga sa Mac Arthur Highway, Brgy. Ibayo, Marilao, Bulacan.

Sinabi ni Col. Cayaban na hindi na nagtangkang manlaban o tumakas ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC)  Presiding Judge Orven Kuan Ontalan ng Branch 285 na may petsang Agosto 16, 2024 para sa mga kasong Murder at Attempted Murder.

Pansamantalang nakapiit sa Valenzuela Police Station detention facility  ang akusado habang hinihintay ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Valenzuela City Jail.

Ani WSS chief PCpt Michael Oxina, ang akusado ay sangkot umano sa insidente ng pamamaril noong May 25, 2024 sa Gumamela Extension, Brgy., Gen. T. De Leon, Valenzuela City na nagresulta sa pagkamatay ng 51-anyos na lalaki at ikinasugat ng isa pa.