September 20, 2024

HVI drug suspect huli sa P408K sa Valenzuela

SHOOT sa kulungan ang isang babaeng drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang madakip sa buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umanoy pagbebenta ng ilegal na droga ni alyas Jacquilyn, 34, at residente ng lungsod.

Nang magawa umanong makipagtransaksyon ng isang operatiba sa suspek ay agad bumuo ng team ang SDEU para sa isasagawang buy bust operation kontra sa kanya.

Matapos umanong tanggapin ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang 8-pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba dakong alas-4:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Ibaba St., Brgy., Bignay.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang transparent plastic sachets at isang  knot tied transparent plastic (bag) na pawang naglalaman ng nasa 60 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000, buy bust money at P200 recovered money.

Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.