September 19, 2024

Warehouse staff sugatan sa pananaksak sa Navotas

SUGATAN ang isang warehouse staff matapos saksakin ng kanyang pinsan na babae makaraan ang mainitang pagtatalo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Nasa maayos ng kalagayan sa Tondo Medical Center matapos magamot ang tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng ulo ang biktimang si Jerome Cunanan, 26, ng A Santiago St., Brgy., Sipac Almacen.

Sa ulat nina P/SSg. Levi Salazar at P/SSg. Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, naglalaro ng dart ang biktima dakong alas-10:20 ng gabi sa kanto ng Alley-3 corner Santiago St., nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng suspek na si alyas ‘Darnell’, 22, casino dealer na napadaan sa naturang lugar.


Sa gitna ng pagtatalo, bumunot ng dalang fan knife ang suspek at tinarakan sa ulo ang pinsan na nagawa pang makatakbo habang inawat naman ng mga kalalakihang nakatambay sa lugar ang suspek.

Matapos ang insidente, isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan habang naaresto naman ng rumespondeng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 ang suspek at nakuha sa kanya ang ginamit na patalim.

Ayon kay Sgt. Salazar, matagal ng may alitan ang magpinsan na magkasamang naninirahan sa iisang bahay sa hindi pa mabatid na dahilan.

Iprinisinta na ng pulisya sa piskalya ng Navotas ang suspek na sinampahan ng kasong frustrated murder.