November 23, 2024

2 tulak timbog sa drug bust 

BAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos madakip sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa ulat ni PMSg Carlos Erasquin Jr kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna nina P/Capt. Ronald Sanchez ang buy bust operation kontra kay alyas ‘Bembol’, 41, ng Brgy. Malanday matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa kanyang illegal drug activities.

Nang tanggapin ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang tatlong P3,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, dakong alas-7:20 ng Huwebes ng umaga sa San Andres 1 St., Brgy., Malanday.

Nakuha kay ‘Bembol’ ang nasa 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, 45 grams ng hinihinalang marijuana na nasa P5,400 ang halaga, buy bust money, P150 recovered money at cellphone.

Nauna rito, bandang alas-11:20 ng Miyerkules ng gabi nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU si alyas ‘Makmak’ matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis poseur-buyer sa buy bust operation sa Punturin Bignay Bypass Road, Brgy. Punturin.

Nakumpiska sa suspek ang abot 5 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P34,000, buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 8-pirasong boodle money at P200 recovered money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.