November 20, 2024

PAGADIAN BISHOP PUMANAW NA, 57


Pumanaw na si Pagadian Bishop Ronald Lunas sa edad na 57 matapos ang isinagawang heart bypass operation.

Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dakong alas-8:28 ng umaga nang pumanaw si Lunas sa isang ospital sa Davao City.

Nitong Disyembre 28 nang sumailalim sa heart bypass surgery si Lunas.

Ang namayapang obispo ay ang kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Commission on Basic Ecclesial Communities.

Ang 57-taong gulang na si Bishop Lunas ay isinilang sa sa Bala, Magsaysay sa Diocese ng Digos noong November 27, 1966 ay itinalaga sa Diocese ng Pagadian noong 2019 bilang kahalili ng nagretirong si Bishop Emmanual Cabajar na naglingkod sa loob ng 14 na taon.

Ang simbahan ng Pagadian ay tinatayang may isang milyong mga katoliko na kabilang sa mga diyosesis na nagsusulong sa interreligious dialogue.

Bukod sa Diocese ng Pagadian, may walo pang diyosesis ang sede vacante o walang nangangasiwang obispo.

Kabilang na ang mga diyosesis na sede vacante ang Alaminos, Baguio, Balanga, Catarman, Gumaca, Ipil, San Pablo at Tarlac.