November 24, 2024

BIRO NI SANDARA PARK: BAKIT WALA YUNG PICTURE KO SA ABS-CBN HALLWAY?

MASAYANG-MASAYA si Sandara Park nang bumisita ito sa “It’s Showtime” pero nagtataka ito kung bakit wala ang portrait niya sa hallway ng ABS-CBN.

Bumalik si Sandara sa stage ng noontime show makalipas ang anim na taon at nag-perform ng kanyang single na “Festival” at “I Am the Best” ng 2ne1 kahapon.

“What’s up, Madlang People! Si Sandara ‘to. Namiss ko kayo!” pagbati niya sa mga manonood. “Alam niyo, sabi ng mga fans ko, last visit ko raw sa ‘Showtime’ ay six years ago.”

“Hindi kasi ako nakapunta dahil sa COVID so I was really waiting for this moment na babalik ako sa ‘Showtime,’” pagpapatuloy niya.

Muling sinariwa ng K-pop star ang kanyang pinanggalingan nang magsimula ito sa ABS-CBN matapos tanungin ng host na si Anne Curtis kung ano ang kanyang nararamdaman gayung nananatili pa ring “Pambansang Krung-krung ng Pilipinas” ang bansag sa kanya ng madlang pipol.

“Kaya mahal na mahal ko ang Pilipinas e. At dito ako nanggaling, lalo na sa ABS-CBN,” ayon kay Sandara.

“Pero nagtataka ako, bakit wala ‘yung picture ko sa wall sa labas?” tanong niya, kung saan ang tinutukoy niya ang portraits ng mga artista na nakasabit sa hallway ng ABS-CBN. “Pakilagay niyo po ‘yung picture ko.”

Bumisita si Sandara sa “It’s Showtime” para i-promote ang kanyang pinakabagong self-titled album, ang kanyang first solo album sa loob ng 20 taon, sabay sayaw nang patugtugin ang “Mini Ms. U” theme song kasama ang ibang host ng show.