November 17, 2024

Dalagita nilasing muna saka hinalay ng kainuman

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang delivery boy matapos arestuhin ng pulisya makaraang lasingin bago pinagsamantalahan ang kanyang kaibigang dalagita sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997) in relation to RA 7610 ang naarestong suspek na si Johnmer Pascual, 22, delivery boy at residente ng 137 Marikit St., Brgy., Tanza 1 ng lungsod.

 Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Navotas police, unang nakipag-inuman ang biktimang itinago sa pangalang “Katrina”, 16, sa suspek na itinuturing niyang kaibigan sa Everlasting St., Brgy. Tanza 1.

 Nang malasing ang biktima dakong alas-8:00 ng gabi ay binuhat siya ng suspek sa kanyang likuran at makalipas lamang ang ilang hakbang ay isinandal ng delivery boy ang dalagita sa isang nakaparadang tricycle saka pinagsamantalahan.

 Matapos ang insidente, sinabi ng biktima sa kanyang mga kaibigan at kanyang ina ang ginawa sa kanya ng manyakis na suspek kaya agad siyang sinamahan ng kanyang ina sa himpilan ng Navotas Police Sub-Station 1 para humingi ng tulong.

Sa isinagawang follow-up operation nina PCpl Joseph H Cruz at PCpl Gilbert Tolin, kapwa ng SS1 ay agad namang naaresto ang suspek.