September 28, 2024

Construction worker, itinumba sa Malabon

PATAY ang isang construction worker matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Tinangka pang isugod sa pagamutan ng ilang concerned citizens ang biktimang si Renz Loui Mates, 27 ng Block 4, Kadima, Brgy. Tonsuya subalit, iniwan rin sa A. Roque St. sa nasabi ring barangay nang malamang may dumating na ambulansiya.

Gayunman, hindi na rin dinala ng mga tauhan ng ambulansiya ang biktima dahil bukod sa wala na umanong buhay, wala ring kamag-anak na makakasama sa pagsugod sa pagamutan.

Sa report nina police investigators PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Marlon Renz Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, habang nakaupo sa isang eskinita sa tapat ng kanyang bahay si Mates dakong alas-10:50 ng gabi nang biglang sumulpot ang isa sa dalawang suspek at binaril ang biktima.

Nagawa pang makatakbo ng biktima subalit, hinabol siya ng isa pang suspek at pinagbabaril sa katawan bago mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Kagaad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa pangunguna ni P/Lt Melanio Vallera III subalit, nabigo sila na maaresto at matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek. Narekober ng pulisya sa crime scene ang limang basyo ng bala at isang slug ng cal. 45 habang patuloy naman ang imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto mga suspek, samantalang inaalam pa ang motibo sa insidente.