September 28, 2024

Delivery rider na walang helmet, kulong sa damo sa Malabon

SWAK kulungan ang isang delivery rider matapos makuhanan ng pinatuyong dahon ng marijuana nang masita ng mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint dahil walang suot na helmet sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong suspek bilang si James Bryan Obsequias alyas “Koykoy”, 20 delivery rider ng Lazada at residente ng Kaingin 1, Brgy. Tinajeros.

Ayon sa imbestigasyon, habang nagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue, Brgy. Potrero ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 nang parahin nila ang suspek dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo dakong alas-12:05 ng madaling araw.

Nang hanapan nila ng driver’s lincense, inilabas ng suspek ang kanyang wallet at nang buksan niya ito ay napansin ng mga pulis ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at fruting tops na nahulog sa simento kaya inaresto nila ito.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isa pang plastic sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at isang glass tube pipe na naglalaman ng bahagyang sunog ng umano’y marijuana. Mahaharap ang suspek sa paglabag sa RA 10054 (Motorcycle Helmet Act) AT RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Actg of 2002).