Lalong uminit ang usapin ng korapsyon sa pambansang pondo matapos ibunyag ni dating Senador Panfilo Lacson na hindi bababa sa limang (5) Cabinet Secretaries ang lantarang tinukoy sa kontrobersyal na “Cabral Files.”
Ayon kay Lacson, ang mga dokumentong iniwan ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral ay naglalaman ng detalyadong listahan ng mga “allocables” o bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga flood control at infrastructure projects sa ilalim ng 2025 national budget.
“Malinaw sa Cabral files na may hindi bababa sa limang Cabinet secretaries na na-tag sa bilyong allocables. Hindi ito maliit na halaga. Umaabot ito sa tens of billions,” pahayag ni Lacson, kasabay ng panawagan sa Kongreso at Commission on Audit (COA) na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Tumanggi ang senador na pangalanan ang mga Cabinet official na sangkot, ngunit iginiit na nagpapakita ang mga dokumento ng pattern ng sistematikong manipulasyon sa badyet.
“Hindi lang ito usapin ng isa o dalawang kontratista. May malinaw na indikasyon na may mga alokasyong pumapabor sa ilang ahensya at personalidad,” dagdag pa niya.
Lumutang ang mga alegasyon sa gitna ng patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects, na nagresulta na sa pagkakadetine ng contractor-couple na sina Cezarah at Pacifico Discaya.
Nauna nang kinuwestiyon ng Malacañang ang authenticity ng Cabral files, sinasabing wala itong probative value hangga’t hindi nabiberipika ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Taliwas dito, iginiit ni Batangas Rep. Leandro Leviste na tunay ang mga dokumento at personal umanong ibinigay sa kanya ni Cabral bago ito pumanaw.
Dahil dito, muling nanawagan ang mga watchdog group na ilabas ang opisyal na DPWH records upang kumpirmahin o pabulaanan ang sinasabing mga alokasyon sa badyet.
