Nagningning ang bandila ng Pilipinas sa Aichi Sky Expo sa Tokoname, Japan nitong Sabado, Disyembre 27, matapos magtala ng magkakasunod na knockout (KO) victories sina rising star Kenneth Llover at veteran fighter Johnriel Casimero.
Pinatunayan ni Kenneth Llover kung bakit siya ang tinuturing na susunod na world champion ng bansa matapos pulbusin ang Chinese challenger na si Ayati Sailike sa loob lamang ng dalawang round upang matagumpay na maipagtanggol ang kanyang Oriental Pacific Boxing Federation (OPBF) title.
Itinuturing na isa sa mga susunod na posibleng world champion ng Pilipinas, unang pinabagsak ni Llover ang Chinese challenger sa pamamagitan ng sunod-sunod na suntok bago tuluyang tapusin ang laban sa isa pang mabangis na flurry. Ito ang ikaapat na panalo ni Llover ngayong 2025.
Umangat ang kartada ni Llover sa 17-0, may 12 knockouts, kabilang ang huli niyang limang laban. Bumagsak naman si Sailike sa 12-10-3 (5 KOs).
Inaalagaan si Llover ng kanyang chief handler na si former two-division world champion Gerry Peñalosa at ng Kameda Promotions, na naghahanda sa kanya para sa isang world title eliminator sa unang bahagi ng 2026. Kasama rin sa Team Llover sina trainer Dindo Campo at strength and conditioning coach Alex Ariza.
Ipinakita agad ni Llover ang kanyang lakas sa unang round nang tamaan si Sailike ng solidong body shot na nagpilit sa kalaban na mag-survival mode. Ngunit hindi na binitiwan ng batang Pinoy ang atake hanggang sa tuluyang mapahinto ang laban.
Samantala, muling bumalik sa panalo si Johnriel Casimero matapos ihinto si Tom Mizokoshi sa ikalimang round ng kanilang super bantamweight bout.
Tinamaan ng isang mabigat na kanang suntok si Mizokoshi, sinundan ng dalawang kaliwa sa mukha na nagpadapa sa Hapones. Bagama’t nakatayo pa si Mizokoshi, na duguan ang ilong, minabuti ng referee na ihinto ang laban sa walong-rounder.
Umangat ang rekord ng 36-anyos na si Casimero—dating three-division world champion—sa 35 panalo, 5 talo, at 1 draw, may 24 knockouts. Mas mahalaga, muling naituwid ni Casimero ang kanyang karera matapos ang pagkatalo niya kay Kyonosuke Kameda noong Oktubre.
Kontrolado ni Casimero ang laban mula umpisa at binasag na agad ang ilong ni Mizokoshi sa ikalawang round. Bumagsak naman si Mizokoshi sa 11-6-2 (5 KOs), ikalawang sunod na kabiguan niya.
Target ngayon ni Casimero ang isang malaking laban sa unang bahagi ng 2026 laban kay two-division world champion Luis Nery, na tulad niya ay nasa ilalim din ng Kameda Promotions, bilang susunod na hakbang sa kanyang muling paghabol sa kasikatan sa mundo ng boksing. (Ron Tolentino)
