Sa patuloy na pagpapatupad ng kampanya kontra droga ni Rizal Philippine National Police Provincial Director, P/Col. Feloteo Gonzalgo, dalawang umano’y bigtime na drug pushers ang nadakip ng mga tauhan ng Binangonan Municipal Police Station – Drug Enforcement Unit na nagresulta sa pagkakasamsam ng illegal drugs na nagkakahalaga ng mahigit P11 milyon, baril at mga bala sa Binangonan, Rizal nitong madaling araw ng Linggo, Disyembre 14, 2025.
Ayon kay Gonzalgo, mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek na sina alyas Labo na itinuturing na high-value/pusher individual at alyas Beki na newly identified high-value individual/pusher.
Batay sa report, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang ikasa ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Barangay Mambog, Binangonan, Rizal.
Nakompiska ng mga awtoridad ang 1,676.52 gramo ng hinihinalang shabu na may total standard price na aabot sa P11,400,336, anim na piraso ng P500 bills bilang recovered money, dalawang cellular phone, isang kalibre .38 na baril, apat na bala ng kalibre .38, isang silver na Suzuki Swift na sasakyan, at P2,000 buy-bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Binangonan Municipal Police Station. (Arnold Pajaron Jr)
