PINAGPAPALIWANAG ng Commission on Audit (COA) ang lokal na pamahalaan ng Baguio City kaugnay sa pagbili nito noong 2024 ng parcels ng lupa sa Tuba, Benguet na umano’y labis ang presyo kumpara sa itinakdang zonal value ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Batay sa audit report ng COA, umabot sa P103.46 milyon ang ginastos ng city government sa pagbili ng lupa na may kabuuang sukat na mahigit 71,000 square meters, kahit ang BIR zonal value ng lugar ay P10 lamang kada metro kuwadrado.
Sa aktuwal na transaksyon, binayaran umano ng lungsod ang lupa ng P1,500 kada metro kuwadrado o 154 na beses na mas mataas sa zonal valuation.
Ayon sa COA, ang kabuuang halagang binayaran ng lungsod na P101,465,425.53 ay “labis na mas mataas” kumpara sa P635,850 zonal value at P141,190 fair market value base sa tax declaration.
Ang naturang pagbili ay pinondohan mula sa 20% Development Fund ng lungsod sa ilalim ng 2020 Supplemental Budget na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ng Ordinance No. 42, Series of 2020.
Ipinaalala ng COA ang Joint Memorandum Circular No. 1 ng DBM, DOF at DILG na nagsasaad na ang 20% Development Fund ay dapat gamitin lamang sa priority development projects na malinaw na nakapaloob sa local development plan, medium-term at annual investment program ng LGU.
Gayunman, ayon sa COA, walang tiyak na development project na nakapaloob sa Local Development Investment Program ng Baguio City na mangangailangan ng pagbili ng Topinao lots.
Sa liham ni Mayor Benjamin Magalong sa city council noon, sinabi nitong bahagi ang pagbili ng lupa sa “land banking strategy” ng lungsod para sa hinaharap na bentahan o development.
Ang mga lupang binili ay matatagpuan sa Sitio Topinao, Poblacion Village, Tuba, Benguet, na may lawak na 35,407 sq.m. at 36,514 sq.m., at pag-aari noon ng negosyanteng William Tan Jr. at ng kanyang anak na si Hazel Dominique Tan.
Dahil sa transaksyon, naghain ng reklamo si dating City Councilor Mylen Yaranon laban kay Magalong dahil sa umano’y graft at grave abuse of authority, kabilang ang alegasyong walang ordinansang nag-eendorso at walang public bidding, gayundin ang kawalan umano ng geological testing sa lupa.
Gayunman, ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamo noong Hulyo 2025 matapos matukoy na walang probable cause para sa pagsasampa ng kaso.
Ayon sa Ombudsman, hindi na kailangan ang public bidding sa land acquisition at saklaw na ito ng inaprubahang P120-milyong pondo para sa land banking sa 2020 Annual Investment Plan.
Nilinaw rin ng Ombudsman na wala umanong adverse claim sa lupa nang isagawa ang bentahan at sapat ang 2022 Property Valuation Report upang masuri ang “merits and viability” ng mga lupang binili.
Sa tugon nito sa COA, iginiit ng Baguio City na ang mga lupa ay itinakda para sa social housing projects, partikular bilang posibleng lokasyon ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, na inaasahang makapagbibigay-tirahan sa humigit-kumulang 5,500 pamilya.
Ayon pa sa lungsod, dumaan umano sa konsultasyon ang transaksyon at nakipag-ugnayan din sila sa COA.
Iginiit ng LGU na ang pagbili ay ginawa nang may good faith at due diligence, at tuluyang itinuloy lamang matapos alisin ng COA ang naunang Notice of Suspension.
Sa kabila nito, nananatiling bukas ang usapin matapos igiit ng COA na malayo sa itinakdang zonal at fair market value ang presyong binayaran ng lungsod, isang transaksyong patuloy na sinusuri sa konteksto ng tamang paggamit ng pondo ng bayan. (Arnold Pajaron Jr)
