REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang kelot na wanted sa kasong robbery matapos malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, ang 31-anyos na akusado na residente ng Brgy., Daanghari ay kabilang sa mga nakatalang Most Wanted Person sa Navotas CPS.
Aniya, may warrant of arrest laban sa akusado na inilabas ang Presiding Judge ng Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 286, Navotas City, noong December 2, 2025 para sa dalawang bilang ng Robbery with Intimidation Against Persons.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang malawakang pagtugis sa akusado hanggang sa makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito.
Dakong alas-6:15 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga tauhan ng Navotas Police Patrol Base 2 ang akusado sa F. Pascual Street, Barangay Daanghari.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang arrest warrant na may inirekomendang piyansa na P100,000 bawat bilang.
Pansamantalan nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang utos mula sa korte na nag-isyu ng warrant para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
