May 17, 2024

2 online seller arestado sa shabu

TIMBOG ng pulisya sa buy-bust operation sa Leoño St. corner 1st St. Brgy. Tañong, Malabon City ang dalawang online seller na sina Jane Gellado at Moneth Soriano. (RIC ROLDAN)

ARESTADO ang dalawang babaeng online seller matapos makuhanan ng nasa P40,800 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Jane Gellado, 38, ng Alupihan Dagat St., Brgy. Longos at Moneth Soriano, 38, ng 120 10th Ave. Grace Park Brg. 93, Caloocan City.

Dakong alas-1:50 ng madaling araw nang madakip ang mga suspek.

Nagawang makapagtransaksyon sa mga suspek ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P500 ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang markadong salapi mula sa poseur-buyer kapalit ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 6 gramo ng shabu na tinatayang nasa P40, 800 ang halaga at buy-bust money.