Ipinag-utos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang malalimang imbestigasyon laban sa isang kawani ng pulisya na umano’y nakisangkot sa isang rambol sa larong basketball sa Tondo, Maynila, na nag-iwan ng apat na sugatan kabilang ang dalawang kabataan.
Pormal nang inatasan ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang Manila Police District (MPD) na busisiin ang buong pangyayari at alamin kung ano ang totoong pinagmulan ng kaguluhan.
Ayon sa NCRPO, pangunahing prayoridad sa kasalukuyan ang pagtiyak sa kaligtasan at paggaling ng mga biktima, lalo na ang dalawang menor de edad.
Mismong si PBGen. Abrahano ang nag-anunsyo na haharap sa hiwalay na imbestigasyong administratibo ang sangkot na pulis kahit pumasok ito sa insidente habang walang duty.
Inihayag ng heneral na hindi kailanman tino-tolerate sa kapulisan ang anumang aksyon na maglalagay sa panganib sa taumbayan.
Aniya, hindi dahilan ang pagiging off-duty para makaligtas sa pananagutan ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) kapag nasangkot ito sa kaguluhan.
Binigyang-diin pa ng pinuno ng NCRPO na ang pagiging tagapagpatupad ng batas ay isang patuloy na tungkulin.
Iginiit niya na sa ilalim ng kaniyang pamumuno, dapat panatilihin ng bawat tauhan ang pagiging “Marunong, Maagap, Magalang, at Maayos na Pulis.”
Dapat din aniyang magpakita ng pagtitimpi at maging ehemplo sa pagpapanatili ng kapayapaan ang mga pulis sa lahat ng pagkakataon—nasa pwesto man sila o wala sa kanilang serbisyo.
