May 2, 2024

2 most wanted persons sa Caloocan, timbog

SHOOT sa selda ang dalawang most wanted persons, kabilang ang isang bebot matapos madakip ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Caloocan City.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng umaga nang madakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ang akusadong si alyas “Dodong” sa ikinasang manhunt operation sa Samson Road, Barangay 80.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Glenda Cabello Marin ng Regional Trail Court (RTC) Branch 124, Caloocan City noong May 22, 2023, para sa kasong Rape (55 counts) at Sexual Assault in relation to R.A. 7610 (2 counts).

Alas-3:00 ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station (SS4) sa isinagawang manhunt operation sa Gen. San Miguel Street Brgy. 4 ang isa pang akusadong si alyas “Mayang”. Ang akusado ay dinakip ng mga tauhan ng SS4 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Manuel I.R.A Barrios ng RTC Branch 126, Caloocan City noong April 2, 2024, para sa kasong Illegal Recruitment under RA 8042 as amended by RA 10022.