Magiging tahanan ng pinakamalaking global tech innovation hub sa bansa ang Pampanga sa pamamagitan ng $2 billion project na sumasakop sa Angeles City at Mexico, ayon sa ulat.
Tinagurian itong “Silicon Valley of Pampanga” at inaasahang aabot sa higit 100 hectares, na maglalaman ng higit sa 100 international technology companies.
Ani Dennis Anthony Uy, CEO ng Converge ICT, ang proyekto ay hindi lang investment kundi paraan niya para magbigay balik sa lungsod na nagpalaki sa kanya.
“The Philippines has so many talented people… What we need is to build the same ecosystem here at home,” ani Uy.
Inihayag ni Uy sa BusinessWorld na aabot sa $2 billion ang halaga ng proyekto, na sasaklaw sa mga gusali, road access, drainage, at advanced ICT systems.
“The whole project, I think, is easily $2 billion. It is a very big project,” dagdag niya.
Plano umano ng kumpanya na simulan ang mga pangunahing imprastruktura sa susunod na taon.
Kinumpirma rin ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na nakatakda na isumite ni Uy ang project application ngayong buwan.
Tinukoy ito ni PEZA Director-General Tereso O. Panga bilang “big-ticket investment”, na magtatatag ng Tech City special economic zone sa Pampanga at lilikha ng mga trabaho sa IT at kaugnay na sektor.
Bilang bahagi ng proyekto, magtatayo ang Converge ICT ng data center at headquarters sa loob ng ecozone, at may balak ding maglatag ng air-traffic controller education facility sa hub.
Sa laki at saklaw ng proyekto, inaasahang ilalagay ng Pampanga Tech City ang probinsya at ang Pilipinas sa global technology map.
