Nalungkot ang pamilya Discaya matapos i-revoke ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang contractor licenses ng siyam na construction firms na may kaugnayan sa kanila, kasabay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects ng gobyerno.
“Nakakalungkot na balita ‘yan kasi naghe-hearing pa po sa PCAB ‘yan,” ayon kay Atty. Cornelio Samaniego III, legal counsel at spokesperson nina Sarah at Curlee Discaya.
Idinagdag niya na binigyan sila ng 30 araw para magsumite ng mga dokumento at humingi sila ng extension para makumpleto ang mga ito.
Ani Samaniego, hindi raw nabigyan ng due process ang Discaya couple dahil base lamang sa testimonya ni Sarah Discaya sa Senate hearing ang naging batayan ng pagkansela ng lisensya ng mga kumpanya, hindi sa dokumento.
“Actually, all documents hindi po ganon ang nangyayari, hindi po nagsasabay-sabay [na sumali sa bidding ang mga kompanyang ito]. Na-mix up lang po siguro ‘yung sagot ni Ma’am Sarah,” paliwanag niya.
Binigyang-diin rin ni Samaniego na matagal nang nag-divest si Sarah Discaya sa walong kumpanya at siya lamang ang presidente ng Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation.
Sa ilalim ng Resolution No. 075, series of 2025, na inilabas ng PCAB noong Setyembre 1, agad na nirevoke ang lisensya ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corp., Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corp., St. Timothy Construction Corporation, Amethyst Horizon Builders and Gen. Contractor & Dev’t Corp., St. Matthew General Contractor & Development Corporation, Great Pacific Builders and General Contractor, Inc., YPR General Contractor and Construction Supply, Inc., Way Maker OPC, at Elite General Contractor and Development Corp.
Tiniyak rin ni Samaniego na lahat ng luxury vehicles ng mag-asawang Discaya ay legal na nabili sa loob ng 23 taon nilang industriya.
“Walang tinatago ang pamilya Discaya at haharapin namin ang subpoena ng Senado,” sabi niya sa isang press conference sa Quezon City.
Aniya, hindi rin nila in-import ang mga sasakyan at lahat ay mula sa awtorisadong car dealers.
Hinihiling ni Samaniego na huwag na ring pag-usapan ang mga anak ng mag-asawa na kasalukuyang may sakit.
Dagdag niya, walang “ghost projects” o unprogrammed projects ang St. Timothy, St. Gerrard, at Alpha and Omega, na itinuturing na quadruple-A construction companies at may kakayahang ipatupad ang mga proyekto na naatas sa kanila.
Ang PCAB revocation ay nagdulot ng kalungkutan sa pamilya Discaya habang patuloy ang Senate investigation sa umano’y anomalya sa flood control projects.
