Libo-libong miyembro ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) ang nagtipon-tipon sa sa EDSA People Power Monument nitong Martes, Hunyo 30, upang magpakita ng suporta kay Senator Rodante Marcoleta na kasalukuyang nahaharap sa imbestigasyon ng plunder at banta ng pag-aresto.
Dahil sa dagsa ng mga tao, pansamantalang isinara ang White Plains Avenue sa Quezon City malapit sa EDSA matapos makaranas ng matinding pagsisikip sa trapiko.
Base sa pagtaya ng pulisya, umabot sa humigit-kumulang 12,000 ang bilang ng mga raliyista bandang alas-1 ng hapon.
Sa isang live broadcast sa Net25, tahasang ipinagtanggol ni INC spokesperson Edwil Zabala ang senador na kapwa nila miyembro sa kapatiran.
“Si Senador Marcoleta ang nanguna sa imbestigasyon sa pinaniniwalaang isa sa pinakamalaking kaso ng pandarambong sa kasaysayan ng ating bansa. Ang nagtataka sa amin ay kung bakit siya – na nagtutulak na ilantad ang mga diumano’y sangkot sa malawakang pagnanakaw na ito sa Pilipinas – ang siyang kinakasuhan at pinagbabantaang makulong, sa halip na ang mga nailantad,” ani Zabala.
Binigyang-diin pa ng tagapagsalita na hindi hihinto ang INC sa paghingi ng katarungan para sa mga Pilipino kahit pa tuluyang makulong ang senador.
BASAHIN: NCRPO, napanatili ang kaayusan sa ‘Love Laban’ Pride at ‘White Ribbon’ Rally
Nagsimula ang legal na reklamo laban kay Marcoleta matapos kuwestiyunin ang kaniyang gastusin sa nagdaang 2025 senatorial elections.
Base sa mga dokumentong isinumite niya sa Commission on Elections (Comelec), nag-ulat siya ng P112 milyong gastusin para sa kaniyang kampanya ngunit walang idineklarang kahit anong donasyon, sa kabila ng pagkakaroon lamang ng P51 milyong net worth.
Kalaunan ay inamin ng senador na nakatanggap siya ng P75 milyong donasyon ngunit iginiit na nakuha ito bago pa ang opisyal na campaign period, kung kaya’t hindi pa siya obligado sa ilalim ng batas na i-disclose ito.
Bagamat pumabor ang Comelec sa katwiran na walang nalabag na panuntunan sa eleksyon, pumalag naman ang Department of Justice (DOJ).
Ayon sa DOJ, nakuha ni Marcoleta ang pondo habang siya ay nanunungkulan pa bilang kongresista ng SAGIP Party-list.
Bunga nito, idineklara ng Office of the Ombudsman na “unjustly enriched” o ilegal na nagpayaman ang senador at ituturing nilang ill-gotten wealth o nakaw na yaman ang nasabing pondo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7080 (Plunder Law), ang sinumang opisyal na mapatunayang nagkamal ng hindi bababa sa P50 milyong nakaw na yaman ay maaaring patawan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Inanunsyo na ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Hunyo 29, na nakahanda na silang maghain ng kasong plunder laban kay Marcoleta sa Sandiganbayan ngayong linggo.
Dahil walang itinakdang piyansa ang plunder, inaasahang magpapalabas agad ng warrant of arrest ang korte laban sa senador.
Sa panig naman ni Marcoleta, na kilalang kaalyado ng pamilya Duterte, naniniwala siyang may politika sa likod ng kaniyang napipintong pag-aresto.
Ayon sa kaniya, kalkulado ang hakbang na ito upang pigilan siyang makabahagi sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na magsisimula na sa susunod na linggo.
Binatikos din niya ang umano’y “selective prosecution” o pinipiling pagpapatupad ng batas ng Ombudsman, habang hindi pa umano natatapos ang imbestigasyon sa ibang opisyal tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez na nadawit din sa kontrobersya sa budget at public works.
“Alam kong gagawin nila ito, alam kong aarestuhin nila ako. Alam kong ikukulong nila ako, ngunit hindi iyon dahilan para tumigil ako sa paglilingkod sa inyo,” pahayag ni Marcoleta nitong Martes.
