Binigyang-diin ng koalisyon laban sa scams na hindi lamang dapat nakaatang sa mga Chief Information Security Officer (CISO) o Information Technology (IT) department ang paglaban sa cyber scams, kundi dapat itong maging bahagi ng kultura ng buong organisasyon.
Ito ang naging sentro ng talakayan matapos pormal na ilunsad ni Scam Watch Pilipinas Co-Founder Jocel De Guzman ang kanilang pinakabagong white paper na pinamagatang “Whole-of-Organization Approach (WOOA) to Scam Prevention” sa ginanap na BPI Consumer Protection Summit.
Ayon kay De Guzman, binuo ang naturang gabay sa ilalim ng isang pangunahing prinsipyo na magtatagumpay lamang ang malawakang Whole-of-Society Approach ng bansa kung yayakapin muna ng mga kumpanya ang Whole-of-Organization Approach.
” Scam prevention should not rest solely on the CISO or IT. It must be embedded across leadership, strategy, legal, HR, customer experience, communications, marketing, sales, and day-to-day operations,” pahayag ni De Guzman.
Kinuwestiyon din ng cyber safety advocate ang nakagawiang sistema ng ilang kumpanya na umaasa lamang sa mga panandaliang kampanya upang masabing ligtas ang kanilang mga kliyente at empleyado.
Aniya, masyadong maraming organisasyon ang naniniwala na ang paglalabas ng press release, paggawa ng online content, o pagdaraos ng mga forum ay sapat na upang labanan ang mga scam.
“Those are activities, not a program,” giit ni De Guzman.
BASAHIN: Transfer fees sa online banking ng BPI, libre na simula Hulyo 1
Ipinaliwanag niya na ang tunay na proteksyon laban sa scams ay nangangailangan ng malinaw na pangako mula sa pamunuan, pananagutan, pagbabago sa gawi ng mga tao, at integrasyon sa mga corporate goal tulad ng Key Result Areas (KRAs), Key Performance Indicators (KPIs), at pangkalahatang kultura ng kumpanya.
Kasabay nito, ipinaabot din ni De Guzman ang kaniyang pasasalamat sa pamunuan ng Bank of the Philippine Islands (BPI), partikular kina Chief Customer and Marketing Officer Catherine Palanca Santamaria, Elena Torrijos, at Joey Silvestre sa pagbibigay ng espasyo para sa adbokasiyang ito.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang iba pang lider ng industriya kabilang si Adi Timbol-Hernandez.
Inaasahan na ang paglalabas ng white paper na ito ay magsisilbing gabay sa mga lokal na kumpanya upang mas mapatibay ang kanilang depensa laban sa lumalalang banta ng digital scams sa Pilipinas.
