HINDI napigil ng kontrobersya sa international transfer certificates (ITC) ang mainit na pagbubukas ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference, matapos makuha ng ZUS Coffee Thunderbelles ang comeback win kontra Akari Chargers, 24-26, 25-23, 17-25, 26-24, 15-7, nitong Martes ng gabi sa Ynares Center, Montalban.
Parehong napilitang maglaro ang dalawang koponan sa all-Filipino setup matapos maantala ang paglabas ng ITC ng kanilang mga imports na sina Anna DeBeer ng ZUS Coffee at Annie Mitchem ng Akari dahil umano sa hindi pa pinoprosesong dokumento ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Ayon sa PVL, kumpleto naman ang kanilang isinumiteng requirements at nanawagan itong agarang ayusin ng PNVF ang issue upang makalaro na ang mga dayuhang reinforcement.
Sa kabila ng aberya, nagsilbi ang laban bilang thrilling five-setter na tumagal ng dalawang oras at 32 minuto, kung saan pinangunahan nina Riza Nogales, Fiola Ceballos, at AC Miner ang blistering 9-0 finishing run ng Thunderbelles sa deciding set.
“Fair game naman kasi parehong walang imports. Ganito rin ang practice namin kaya tuloy lang,” sabi ni Coach Jerry Yee ng ZUS Coffee.
Nanguna si Nogales na may 15 puntos kabilang ang 5 kill blocks, habang sina Chinnie Arroyo at Jovelyn Gonzaga ay may tig-14 puntos. Si Ceballos ay nag-ambag ng 13 markers, habang sina Kate Santiago at AC Miner ay nagtala ng 11 at 10 puntos.
Para sa Akari, umangat si Eli Soyud na may 22 puntos, habang sina Chenie Tagaod at Fifi Sharma ay nagdagdag ng 18 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabuuan, pinatunayan ng ZUS Coffee na kahit walang import, kaya nitong lumaban nang buo, isang panalong “freshly brewed” sa simula ng bagong PVL season. (RON TOLENTINO)
