Larawan mula sa PBA
AARANGKADA na ang PBA season ngayong Miyerkules, Oktubre 8, sa Ynares Center, Antipolo, tampok ang debut ng bagong koponang Titan Ultra Giant Risers laban sa Meralco Bolts, habang sabay namang sisimulan ng San Miguel Beermen ang kanilang title-retention bid kontra NLEX Road Warriors.
Dakong alas-5:00 ng hapon maghaharap ang Titan Ultra at Meralco, bago sundan ng Beermen-Road Warriors showdown sa 7:30 p.m.
Bilang pinakabagong franchise sa liga, layon ng Titan Ultra na makapagpasiklab agad sa kanilang unang laban. Pangungunahan sila nina Joshua Munzon at Calvin Abueva sa ilalim ng pagbabalik ni Coach John Cardel.
Ayon kay Cardel, buo na agad ang materyales ng koponan, ngunit chemistry at tiwala pa ang kailangang buuin.
“May mga piyesa na agad itong team. Kailangan lang naming ma-motivate ang mga players at magkakilala sa laro. Kaya may mga tune-up games kami para maging isang solid team kami,” ani Cardel.
Makakasama rin sa lineup sina Roi Sumang, Cade Flores, Fran Yu, Jeo Ambohot, Damie Cuntapay, at mga rookies na sina Chris Koon at Mario Barasi Jr.
Magsisilbing mga beteranong lider naman sina Von Pessumal at Jerrick Balanza.
Samantala, buong papasok ang lineup ng Meralco sa pangunguna nina Chris Newsome, Aaron Black, Raymond Almazan, Chris Banchero, at ang balik-kondisyong Allein Maliksi, kaya’t inaasahang matinding baptism of fire ang haharapin ng debuting team.
Sa ikalawang laro naman, pangungunahan ni June Mar Fajardo, na kakapanalo lamang ng kanyang ika-siyam na MVP award, ang kampanya ng San Miguel Beermen para sa back-to-back championship.
Kasama pa rin sa powerhouse lineup sina Marcio Lassiter, Chris Ross, Jericho Cruz, Juami Tiongson, at Don Trollano, pati ang rookies na sina Royce Mantua at Chris Miller.
Para naman sa NLEX, pangungunahan ni Robert Bolick ang koponan kasama sina Xyrus Torres, Jonnel Policarpio, Javee Mocon, at Enoch Valdez, sa layuning makapasok sa semifinals ngayong conference.
“Over the past ten seasons, we’ve built a reputation of resilience and hard work… but in our eleventh season, it’s time to turn that heart into wins and a deeper playoff run,” pahayag ni NLEX governor Ronald Dulatre.Sa inaabangang double-header na ito, sisimulan ng Titan Ultra ang bagong yugto ng kanilang PBA journey, habang susubukan naman ng San Miguel na ipagtanggol ang kanilang trono laban sa mga gutom na kalaban. (RON TOLENTINO)
