ISANG makabagong hakbang tungo sa zero waste at sustainable energy ang isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cainta, ang pagkolekta ng mga gamit na mantika mula sa kabahayan at negosyo upang gawing biodiesel.
Ayon kay Cainta Mayor Kit Nieto, natuklasan ng kanyang grupo na isa sa pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga drainage sa naturang bayan ay ang numumuong sebo at lumang mantika na itinatapon sa mga kanal mula sa mga karinderya at bahay.
“Sa kakabungkal namin ng mga baradong drainage, napansin namin na madalas ang dahilan ng bara ay ‘yung mga sebo galing sa kusina. Tinatapon lang sa kanal ang lumang mantika, kaya nagbabara,” ani Nieto.
Ayon kay Nieto, natuklasan niyang maaaring gawing kapaki-pakinabang ang mga lumang mantika sa pamamagitan ng pagko-convert nito bilang biodiesel, kaya agad siyang nakipagpulong sa ilang grupo upang pag-usapan ang naturang proyekto.
Sa ilalim ng plano, maglalaan ng pondo ang pamahalaang bayan bilang kapital para sa mga organisadong grupo na iikot sa mga kabahayan at kainan upang kolektahin at bilhin ang mga gamit na mantika.
Ang makokolektang mantika ay ibebenta sa kumpanyang nagsasala at nagpoproseso nito bago ipadadala sa Malaysia kung saan ito ginagawang biodiesel.
Dagdag pa ng alkalde, bukod sa pagtulong na maiwasan ang pagbabara ng mga kanal, makalilikha rin ang proyekto ng kabuhayan para sa mga residente at magpapaigting sa paggamit ng malinis at renewable energy.
Kabilang ang programang ito sa serye ng mga inisyatibong pangkalikasan ng naturang bayan tulad ng paggawa ng park benches mula sa plastic bottles, paver blocks mula sa bote at sachet, at organic fertilizer mula sa basura sa palengke na bahagi ng sustainable medium-term development goals ng Cainta. (ARNOLD PAJARON JR)
