Matapos ang ilang buwang pagtatago, pormal nang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay dating Congressman Zaldy Co sa Prague, Czech Republic nitong Huwebes, Abril 16, 2026. Ang pagkakadakip sa dating appropriations chairman ay muling nagpainit sa tanong: Paninindigan ba niya ang kanyang mga naunang akusasyon laban sa Pangulo?
Bagama’t itinuturing ng pamunuan ng Kamara na isang “mahalagang hakbang tungo sa katarungan” ang pagka-aresto kay Co, naniniwala ang Makabayan Bloc na ang tunay na laban ay magsisimula sa sandaling tumuntong ito sa Pilipinas.
Ayon kina Rep. Antonio Tinio, Rep. Sarah Elago, at Rep. Renee Co, ang pagbabalik ni Co ay pagkakataon upang patunayan niya “under oath” ang kanyang mga video exposé noong nakaraang taon. Matatandaang idiniin ni Co si Marcos sa umano’y P25-bilyong kickbacks mula sa flood control projects sa 2025 budget—mga akusasyong mariing itinanggi ng Malacañang.
“Ang kanyang pagbabalik ay hindi dapat maging isang media spectacle lamang… dapat itong maging simula ng isang full public reckoning,” ayon sa grupo.
Nanawagan naman si Navotas Rep. Toby Tiangco sa pamahalaan na magpadala ng high-level team sa Czech Republic upang mapabilis ang deportasyon. Giit ni Tiangco, kung totoo ang mga sinabi ni Co, dapat itong isalaysay sa tamang forum at hindi sa social media lamang.
“Umaasa po tayo na kapag napauwi na siya… sabihin niya ‘under oath’ kung sinu-sino pa ang kasabwat niya sa pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng ating bansa,” ani Tiangco.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa repatriation ni Co.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, posibleng makauwi ang dating mambabatas sa loob ng isa hanggang tatlong linggo.
Mananatili kaya si Co sa kanyang mga naunang rebelasyon, o magbabago ang ihip ng hangin ngayong kailangan na niyang harapin ang mga kasong korapsyon at malversation sa Sandiganbayan?
