Opisyal nang pinalakas ng Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR) ang kakayahan ng Lungsod ng Muntinlupa sa pagtugon sa sakuna at pagpapaunlad ng teknolohiya matapos ang magkakasunod na turnover at paglulunsad nitong Abril 17, 2026.
Sentro ng aktibidad ang pormal na pag-turnover ng Mobile Command and Control Vehicle with Triage Technology (MoCCoV).
Ang naturang high-tech na sasakyan ay idinisenyo upang magsilbing mobile command center na gagabay sa mga emergency responder para sa mas mabilis at “science-based” na pagpapasya habang nasa gitna ng operasyon.
Ang MoCCoV, na imbensyon ng Pilipinong si Dennis Abella, ay hitik sa mga makabagong kagamitan kabilang ang Weather Monitoring System at mga rescue drones; Satellite Communication para sa tuloy-tuloy na ugnayan; Solar at Wind Energy source upang matiyak na gagana ito kahit walang supply ng kuryente; at medical at rescue tools, kabilang ang isang portable na bangka at conference area para sa on-site planning.
Sa ilalim ng CEST Program ng DOST, layon ng teknolohiyang ito na mapabilis ang koordinasyon at tamang paglalaan ng resources sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng real-time data integration.
Kasabay nito, binuksan din ang kauna-unahang Innovation Hub (iHub) sa loob ng Colegio de Muntinlupa.
Ang iHub ay magsisilbing collaborative workspace para sa mga estudyante, researcher, at mga startup mula sa mga karatig-lugar ng Muntinlupa, Taguig, Pateros, Parañaque, at Las Piñas (MUNTAPARLAS).
Dito, makakakuha ang mga local innovators ng mentoring mula sa mga eksperto, paggamit ng mga advanced equipment at suporta upang gawing ganap na produkto sa merkado ang kanilang mga ideya.
Matatagpuan din sa loob nito ang Project SARAI Centro Hub, na nakatuon naman sa paggamit ng teknolohiya sa agrikultura upang tulungan ang mga magsasaka na labanan ang epekto ng climate change at mapataas ang kanilang ani.
Ayon sa DOST-NCR, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng bisyon na gawing isang Smart City ang Muntinlupa.
“Layunin nating pagsamahin ang agham, teknolohiya, at pakikilahok ng komunidad upang makabuo ng isang lungsod na hindi lamang matatag sa harap ng mga pagsubok, kundi sentro rin ng makabagong kabuhayan,” pahayag ng kagawaran.
Ang inisyatibong ito ay inaasahang magsisilbing modelo para sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa bansa sa pagyakap sa digital transformation at disaster resilience.
