Ganap na nang nasa kustodiya ng batas ang lahat ng pitong akusado sa kasong kriminal na kinasasangkutan ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos arestuhin ang huling suspek na si Emelita Capistrano Juat, isang public works engineer, nitong Martes ng gabi sa Obando, Bulacan.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, isinilbi ang warrant of arrest laban kay Juat bandang alas-11 ng gabi sa Barangay Panghulo. Ang warrant ay inisyu ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Revilla at anim na dating tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inakusahan ang grupo ng pakikipagsabwatan upang ilabas ang P76 milyong pondo para sa isang umano’y “ghost” flood control project sa Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan. Lumalabas sa imbestigasyon na gumamit ng mga pekeng dokumento para palitawing tapos na ang proyekto kahit hindi naman ito naisakatuparan.
Naunang sumuko si Revilla noong Lunes ng gabi, habang ang limang iba pang akusado—na kinabibilangan ng tatlong engineer, isang accountant, at isang cashier—ay nakuha noong Martes.
Sa kasalukuyan, nakadetine ang mga lalaking akusado sa New Quezon City Jail sa Payatas, habang inilipat naman sina Juat at ang cashier na si Christina Mae Pineda sa Camp Karingal para sa mas angkop na pasilidad para sa kababaihan.
Sa kabila ng pagkakakulong, umani ng batikos ang hindi pa paglalabas ng mug shots ni Revilla, habang mabilis namang naisapubliko ang larawan ng kanyang mga co-accused.
Depensa ni Remulla, mabilis ang mga pangyayari noong gabing sumuko ang dating senador at itinanggi niyang may utos na pigilin ang paglalabas ng mga larawan nito.
Binigyang-diin din ng kalihim na walang “special treatment” kay Revilla at nananatili ito sa isang regular na selda na walang cellphone, computer, o hot water.
Samantala, kinuwestiyon ng grupong Kapatid ang hiling ng kampo ni Revilla na mailipat ito sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa pangamba sa seguridad sa city jail.
Ayon kay Fides Lim, spokesperson ng Kapatid, ang mismong pananatili ni Revilla sa New Quezon City Jail ay maituturing nang “VIP treatment” kumpara sa siksikan at hindi makataong kondisyon na dinaranas ng mga ordinaryong bilanggo at political prisoners sa bansa.
Nakatakdang dinggin ang mosyon para sa paglilipat ng detensyon ni Revilla ngayong Biyernes, kasabay ng kanyang nakaiskedyul na arraignment.
