Mga ka-Berdugo, hindi na lamang tubig-baha ang umaapaw sa mga kalsada ng Novaliches; umaapaw na rin ang sentimyento ng publiko laban sa pamumuno sa Distrito 5 ng Quezon City.
Sa gitna ng P1-bilyong class action suit at mga akusasyon ng “ghost projects,” tila unti-unting lumulubog ang pampulitikang pundasyon ni Rep. PM Vargas habang papalapit ang 2028. Ang sakit sa wetpu nito?!
Ang pundasyon ng anumang pampublikong serbisyo ay tiwala. Ngunit paano mananatili ang tiwalang ito kung ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa flood control—tinatayang P2.86 bilyon mula 2023 hanggang 2025—ay hindi ramdam ng mga residenteng binabaha tuwing may unos?
Ayon sa grupong United People Against Corruption (UPAC), ang krisis sa Novaliches ay hindi na natural na sakuna kundi isang “man-made crisis” na bunga ng kapabayaan at katiwalian.
Bagama’t madiin ang pagtanggi ng kongresista at iginiit na “nuisance suit” lamang ang mga kaso, ang imahe ng isang opisyal na nabahiran ng mantsa ay mahirap nang ibalik.
Dismayado naman ang ilang residente sa pagkakasangkot ng pangalan ni Vargas sa mga naging testimonya nina Curlee at Sarah Discaya sa Senado na itinuturing nila itong isang mitsa. Araykupo!
Ang saklap naman! Mismong mga constituents niya ay isinusuka na siya dahil sa pagkakasangkot flood control scandal. Pwe!
Mabigat na pasanin ‘yan sa susunod na halalan. Ano sa tingin ninyo mga ka-Berdugo?
Sa pulitika mga ka-Berdugo, ang “perception” ay kasing halaga ng katotohanan. Hangga’t may baha na pumapasok sa loob ng bahay ng isang botante, ang unang hinahanap ng mga iyan ay ang pangakong solusyon na binabayaran ng kanilang buwis.
Nagsisisi nga ang maraming botante ng naturang distrito at sana ibinoto na lang daw nila si Rose Nono Lin.
Sabi nga ng lolo ko, nasa huli talaga ang pagsisisi. He he he…
Bagama’t may sarili ring mga kontrobersiyang dala mula sa isyu ng Pharmally, ang dikit na laban noong 2025 kung saan nakakuha siya ng mahigit 92,000 boto laban sa 104,000 ni Vargas—ay patunay na may “uhaw” sa pagbabago sa distrito.
Naku ha!
Ang 5,000 hanggang 10,000 botong abante ay madaling mabura kung ang isyu ng baha ay mananatiling nakabara sa lalamunan ng mga taga-Novaliches.
Ayon sa mga urot ng BERDUGO, hindi sapat ang mga sertipikasyon mula sa DPWH o ang mga press release na nagsasabing “walang ghost projects.” Ang pinakamabisang depensa sa pulitika ay ang konkretong resulta. Hangga’t kailangang lumusong ng mga taga-Distrito 5 sa baha, mananatiling “dehado” ang nakaupo.
‘Yan ha, hindi ako nagsabi niyan.
Sa tingin ko mga ka-Berdugo, ang 2028 ay hindi lamang magiging labanan ng makinarya o tanyag na apelyido. Ito ay magiging paghuhukom: ang baha ba ay bunga ng kalikasan, o bunga ng isang sistemang kailangang nang palitan?
Kung hindi huhupa ang luha at baha sa Novaliches, asahan nating sa 2028, ang agos ng boto ay pupunta sa kabilang pampang.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
