
Nagbabala si Mayor Vico Sotto laban sa mga kumpanyang umiiwas magbayad ng buwis, kasabay ng kanyang pahayag na magpapatupad ng mas maigting na hakbang para habulin ang mga tax evaders sa lungsod, partikular ang isang Pasig-based construction firm na umano’y sangkot sa malawakang pagbaha at korapsyon.
Sa kanyang talumpati ngayong Lunes, Agosto 4, sa regular na flag-raising ceremony, sinabi ni Sotto:
“Alam niyo naman siguro kung sino ang yumaman sa ganitong kalakaran. Yung mga kumpanyang parang santo, pero alam naman natin ang katotohanan.”
Binanggit niya ang isyu ng pagbaha sa Pasig at ibang bahagi ng bansa, at iginiit na may malaking pananagutan dito ang naturang construction firm na umano’y may bilyon-bilyong proyekto sa DPWH pero halos walang deklaradong kita sa BIR.
“Nabanggit ko na noon—may dugo sila sa kamay. Ang mga proyektong ito, hindi lang baha ang dulot, kundi nawawalang pondo rin ng bayan,” giit ng alkalde.
Inatasan ni Sotto ang City Administrator at mga opisyal ng lungsod na seryosohin ang imbestigasyon laban sa mga kumpanyang may iregularidad sa buwis at kontrata.
“Tingnan natin lahat ng nakarehistrong negosyo sa Pasig. Tingnan natin ang mga utang nila sa BIR, sa LGU, at lahat ng proyekto nila—kung paano sila nagkakakontrata ng bilyon-bilyong halaga pero zero ang dine-deklara sa kita.”
Dagdag niya, tututukan nila ang mga kumpanyang nagtatago sa likod ng legalidad ngunit lumalabag sa batas—anuman ang estado ng mga ito, may kilala man sa pulitika o wala.
Nilinaw ng alkalde na ang hakbang na ito ay hindi pulitikal, kundi bahagi ng kanyang layunin na maging accountable ang lahat ng sektor.
“Walang pulitika ito. Sila ang nagdadala ng pulitika rito. Sa atin, katotohanan lang. Hustisya para sa Pasigueño,” ani Sotto.
Umani ng samu’t saring reaksyon online ang matapang na pahayag ng alkalde. May mga netizen na pumuri sa kanyang paninindigan, ngunit may ilan ding nanawagan na ituon na lamang niya ang pansin sa pagtatrabaho nang tahimik.
Isang netizen, si Loida Distor, ay nagkomento: “Move on na mayor, magtrabaho ka na lang tulad ni Yorme.”
Habang si Arnel Solis ay hinamon si Sotto na magsampa ng kaso:
“Kung may pruweba ka, idemanda mo. Hindi yung puro salita ka lang at sinisira ang negosyo ng iba. Huwag mong paikutin ang isip ng tao.”
Sa kabila ng kritisismo, naninindigan si Sotto na itutuloy niya ang laban kontra katiwalian at tax evasion. Aniya, tungkulin ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang tamang pagbabayad ng buwis, lalo na sa mga kumpanyang may malalaking kita ngunit hindi nakikibahagi sa responsibilidad sa bayan.
“Kung hindi tayo kikilos, sino? Ito ang ambag natin sa reporma. Hindi tayo titigil,” pagtatapos ng alkalde.
