
Walang sinisino si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglilinis ng pamahalaan mula sa mga kurap—kahit pa ito’y mga kaibigan o kaalyado niya sa politika.
Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast, diretsahang sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingiming kumalas sa sinumang alyado kung mapapatunayang sangkot sa katiwalian, lalo na sa mga proyektong dapat sana’y nakatutulong sa mamamayan.
“’Yung dinadaanan na hirap na dinadanas ng ating mga kababayan, they have to be told who is responsible, and somebody has to answer for their suffering,” ani Marcos.
Nang tanungin kung handa ba siyang kalabanin ang mga sariling kaalyado, mariin ang sagot ng Pangulo:
“Sorry na lang. Hindi na kita kaalyado kung ganyan ang ginagawa mo, ayaw na kitang kaalyado.”
Matatandaang sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA), binatikos ng Pangulo ang umano’y malawakang korapsyon sa mga flood control projects na aniya’y nagdulot ng malalawak na pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa. Nagbabala siya laban sa mga politikong nagnanakaw ng pondo para sa mga proyektong ito at iginiit na mananagot ang mga dapat managot.
Bukod sa isyu ng pagbaha, binanatan din ni Marcos ang mga kumpanyang bigong maghatid ng maayos at tuloy-tuloy na serbisyo sa tubig at kuryente.
Sa kanyang talumpati at podcast, malinaw ang mensahe ng Pangulo: hindi uubra ang pakikisama kung kapalit nito ay ang paghihirap ng taumbayan.
“Panahon na para panagutin ang mga nagpapahirap sa mga Pilipino—kaalyado man o hindi,” dagdag pa niya.
