Muling gumawa ng ingay ang abogado at film producer na si Ferdinand Topacio matapos hayagang batikusin ang pagkapanalo ni Vice Ganda bilang Best Actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa ginanap na press conference para sa pelikulang ‘Spring in Prague’ ng kanyang Borracho Films, hindi naitago ni Topacio ang kanyang pagkadismaya sa naging desisyon ng MMFF jury. Bagaman inamin niyang mahusay ang pag-arte ni Vice, naniniwala siyang hindi ito sapat para talunin ang ibang nominado tulad nina Piolo Pascual at ang cast ng ‘Manila’s Finest.’
“Maganda ‘yung acting ni Vice, to be fair. But over Piolo Pascual as well as ‘Manila’s Finest,’ no way! No f***ing way!” bulalas ni Topacio.
Kasabay nito, muling binuhay ni Topacio ang kanyang adbokasiya na alisin ang pamamahala ng MMFF mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ayon sa kanya, walang sapat na kaalaman at legal na basehan ang nasabing ahensya para magpatakbo ng isang film festival.
Iginiit ng abogado na kung susuriin ang charter o ang batas na bumuo sa MMDA, wala sa mga tungkulin nito ang pangangasiwa ng sining at pelikula.
“Ang problema kasi, inilagay niyo ang industriya ng pelikula sa kamay ng mga taong walang alam tungkol sa mga pelikula,” dagdag pa niya. Iminungkahi ni Topacio na mas mainam kung ililipat ang pamamahala ng MMFF sa mga ahensyang pangkultura gaya ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) o National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Sa gitna ng kontrobersya, pinuri naman ni Topacio ang pagganap nina Paolo Gumabao at ng Czech actress na si Sara Sandeva sa kanilang pelikulang ‘Spring in Prague.’ Ang nasabing pelikula, sa direksyon ni Lester Dimaranan, ay kinunan pa sa mga makasaysayang UNESCO World Heritage Sites sa Prague gaya ng Old Town Square at Charles Bridge.
Inaasahang ipapalabas ang ‘Spring in Prague’ sa mga sinehan sa buong bansa simula ngayong Pebrero 4. (MADS REYES)
