Inatasan nitong Miyerkules ng Malacañang ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na agad isilbi ang warrant of arrest laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at 17 iba pang indibidwal.
Ang kautusan ay may kaugnayan sa kasong kidnapping with homicide na isinampa laban sa kanila bunsod ng kontrobersyal na pagkawala ng mga sabungero.
Sa isang press briefing sa Palasyo, binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na mandato ng mga alagad ng batas na ipatupad ang utos ng korte nang walang pag-aantala.
“’Yan naman po lagi ang mandato ng PNP at ng ating law enforcement agencies. Alam po nila ’yan—ang utos ng Pangulo ay ipatupad kung ano ang nasa batas,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa ng opisyal, dapat pabilisin ang pagtatrabaho ng mga pulis upang mapanagot ang mga dapat mapanagot lalo’t mayroon na itong kaukulang utos mula sa hudikatura.
Inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 26 ng Laguna ang warrant matapos makakita ng sapat na batayan (probable cause) sa mga reklamong kriminal laban kay Ang at sa kanyang mga kasamahan na nakabase sa Muntinlupa, Laguna, at Batangas.
Dahil sa bigat ng kasong kidnapping with homicide, walang inirerekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.
Sa warrant na nilagdaan ni Presiding Judge Mary Jean Cajandab-Ong, mahigpit ding iniutos sa mga pulis ang paggamit ng body-worn cameras habang isinisilbi ang pag-aresto. Obligado ang mga operatiba na magkaroon ng kahit isang body camera at isang alternatibong recording device upang maidokumento ang buong proseso ng paghuli.
Ang nasabing warrant ay ipinadala na sa PNP-Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM) at sa mga kinauukulang police station commanders para sa agarang implementasyon.
