Kinuwestiyon ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang tila “pagtatago” ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng mga bali-balitang may inilabas nang warrant of arrest laban dito mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Lacson, hanggang ngayon ay wala pang opisyal na kopya ng nasabing warrant, kaya hindi niya maintindihan kung bakit hindi pumapasok ang senador sa kabila ng pagiging aktibo ng tanggapan nito.
Sa panayam sa mga reporter, binigyang-diin ni Lacson na walang saysay ang pag-iwas ni Dela Rosa sa publiko kung wala namang malinaw na utos ng pag-aresto.
Pinabulaanan din nito ang naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Nobyembre na mayroon nang warrant laban sa mambabatas.
“Unang-una, hindi makatuwiran sa akin na nagtatago siya. Hindi naman siya wanted. Hindi ko alam. Nasaan ang warrant?” ani Lacson.
Dagdag pa ni Lacson, kung siya ang nasa kalagayan ni Bato, pipiliin niyang pumasok sa trabaho upang hindi masayang ang kanyang boto sa mga mahahalagang panukalang batas at resolusyon sa Senado.
Maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay inamin na hindi rin sumasagot si Dela Rosa sa kanyang mga mensahe na ang layunin lamang ay kumustahin ang kalagayan ng senador.
Bagaman hindi umano mapipilit ng Senado si Bato na mag-report sa trabaho, nananatiling tikom ang kampo nito na balitang nananatili lamang sa Davao City, ang balwarte ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabila ng kanyang payo na pumasok sa trabaho, inamin ni Lacson na wala siyang “moral ascendancy” o moral na awtoridad para utusan si Dela Rosa na sumuko kung sakali mang lumabas ang warrant.
Sariwa pa sa alaala ang pagtatago ni Lacson mula Enero 2010 hanggang Marso 2011 upang iwasan ang pagkakaaresto sa kanya kaugnay ng Dacer-Corbito double murder case.
“Para sa akin, wala akong moral ascendancy na sabihan siyang sumuko dahil ako mismo ay nagtago noon. Kung hindi ako nagtago at sumuko ako, masasabihan ko siya, pero hindi ko magagawa ‘yun,” pag-amin ni Lacson.
Si Dela Rosa ay naging unang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng administrasyong Duterte bago naging senador, at isa sa mga pangunahing personalidad na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
