CALOOCAN CITY – Isang notoryus na robbery suspect ang nasakote ng pulisya matapos ang mabilis na hot pursuit operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Sabado, Agosto 23, 2025.
Sa ulat ng NCRPO, dakong alas-11:15 ng umaga nang holdapin ang isang self-employed na lalaki na naniningil ng bayad sa kliyente sa Libis Espina Street, Brgy. 14, Caloocan. Biglang sumulpot ang suspek, tinutukan ng baril ang biktima, at sapilitang tinangay ang P4,000 cash.
Agad tumakas ang suspek pero hindi nakalayo. Sa mabilis na koordinasyon ng Caloocan City Police Station at District Anti-Carnapping Unit, agad itong naaresto.
Narekober ang ginamit na replica firearm, ngunit hindi na nabawi ang kinulimbat na pera.
Batay sa imbestigasyon, kilalang balik-piitan ang suspek at dati nang naaresto sa iba’t ibang kaso: robbery snatching (2015), acts of lasciviousness (2022), at illegal gambling (2024).
Nahaharap siya ngayon sa kasong Robbery with Intimidation sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code.
Pinuri ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin ang agarang aksyon ng mga operatiba at iginiit na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng utos ni PNP Chief PGen. Nicolas D. Torre III para tiyaking ligtas at agad na napapanagot ang mga kriminal sa Metro Manila.
