Isang 59-anyos na lalaki, pinagbabaril at napatay sa tapat mismo ng simbahan sa Brgy. Taculing, Bacolod City nitong Linggo, Agosto 24. (📸 Police Regional Office – Negros Island Region)
Patay ang isang 59-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas mismo ng isang simbahan sa Circumferential Road, Brgy. Taculing, nitong Linggo, Agosto 24.
Kinilala ni Police Capt. Rosalino Pugoy Jr., hepe ng Police Station 6, ang biktima na si Efren, residente ng Brgy. Granada.
Ayon sa pulisya, katatapos lang umalis ng biktima sa simbahan nang biglang huminto ang isang itim na SUV. Bumaba ang isang armadong lalaki at agad pinaputukan si Efren.
Dead on the spot ang biktima matapos tamaan ng maraming bala, habang nadamay din ang windshield ng isang nakaparadang sasakyan.
Nakarekober ang mga imbestigador ng anim na basyo ng bala at isang metal slug mula sa pinangyarihan ng krimen.
Mabuti na lamang at walang ibang nasaktan, dahil abala pa ang mga miyembro ng simbahan sa isang aktibidad sa loob ng gusali.
Ayon kay Pugoy, drayber umano ng simbahan ang biktima.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente at sinusuri ang mga CCTV at dashcam footage para matukoy ang suspek at ang ginamit nitong sasakyan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga anak ng biktima upang makakuha ng karagdagang impormasyon na makatutulong sa kaso.
